Tuloy-tuloy pa rin ang isang libo’t isang tuwa dahil mapapanood pa rin ang "longest-running noontime show" sa Pilipinas na "Eat Bulaga" matapos mag-renew ng kontrata sa GMA Network ngayong Biyernes, Pebrero 1.

"Pang 24 years na namin ngayon sa GMA-7. Nagpapasalamat kami kasi ang GMA-7 ang nagbigay sa amin ng tahanan. At hindi lang 'yon ang binigay sa amin, binigyan pa kami ng pagkakataon na i-celebrate ang 40th anniversary namin. Kaya nagpapasalamat kami sa GMA-7," saad ni Television and Production Exponents (T.A.P.E.), Inc. President and CEO Antonio Tuviera.

"Una sa lahat, kaming tatlo naman talaga, 'Tito, Vic and Joey' was born in GMA-7 sa Discorama eh, sa pamumuno ni Joey de Leon, 'yung panahon na 'yon. Pero until then, up to now, narito kami ng 24 years, kabuuan ng 40 years namin, talagang lumabas na 'yung sikreto na matagal ko nang sinasabi, na ang Eat Bulaga is really a public service program masquerading as an entertainment show," saad ni Senator Tito Sotto III.

"Ako feeling ko parang nag-uumpisa pa lang kami," masayang sabi ni Bossing Vic Sotto.

"Itong araw na ito 'yun ang feeling ko eh. Excited na looking forward to more and more years. Of course looking forward for the 40th anniversary ng Eat Bulaga," sabi pa ni Bossing.

"Totoo 'yung sinabi ni Vic na nag-uumpisa pa lang kami, dahil ang feeling namin bumabalik na kami sa pagkabata eh. Ha! Ha! Ha! Tagilid na ang labanan!" biro ni "Henyo Master" Joey de Leon.

"Oy! Thank you GMA-7 at sa lahat ng mga Kapuso at tayo'y magkakasama-sama pa. Sana'y magkita-kita tayo sa susunod na pirmahan," ayon pa kay Joey.

Nasa contract signing din ang "Sugod Bahay" gang nina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros.

Present sa pagpirma ng kontrata ng Eat Bulaga sina GMA Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon, Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe Yalong, at First Vice President of Program Management Joey Abacan.

Kasama naman ni Mr. Tuviera si Senior Vice President and Chief Operating Officer Malou Choa-Fagar.

Bukod sa "TVJ", present din ang EB Dabarkads na sina Allan K, Anjo Yllana, Ruby Rodriguez, Pia Guanio, Jimmy Santos, Pauleen Luna, Ryan Agoncillo, Maureen Wroblewitz, Luane Dy, Ryzza Mae Dizon, Bae-by Baste, Alden Richards at Maine Mendoza. — AT, GMA News