Ngayong isa nang ganap na Kapuso, binanggit ni Edgar Allan "EA" Guzman ang mga Kapuso actress na wish niyang makatrabaho. Hangad din niyang subukan ang iba't ibang role tulad ni "Boyet" na ginagampanan ni Ken Chan sa "My Special Tatay."
Sinelyuhan ni EA ang kaniyang pagiging Kapuso matapos pumirma ng kontrata sa GMA Artist Center nitong Huwebes.
EA Guzman, opisyal nang Kapuso sa pagpirma niya ng kontrata sa GMA Network nitong Huwebes. @gmanews pic.twitter.com/KXxXyz2Bpm
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) January 31, 2019
"Ako honestly, siyempre ako naman kahit wala ako dito before sa GMA, may mga kilala ako na artista na Kapuso actresses na gusto kong makatrabaho. Looking forward to work with Kris Bernal, Sanya Lopez, Kyline Alcantara and Jennylyn Mercado. So sila 'yung mga, sana one day, kumbaga ma-timing-an at masuwerte ako na makatrabaho sila," saad ni EA nang makapanayam ng GMA-7 reporters.
Paliwanag pa niya, "May nakikita kasi ako sa kanila na something. Hindi naman wala sa iba, something different sa kanila. So gusto kong makatrabaho ulit. Especially si Maine, si Maine Mendoza gusto ko ring makatrabaho."
Pagdating sa mga challenging role, gusto raw ni EA na subukan ang mga ginagawa ni Ken Chan.
"Tapos 'yung mga roles? Gusto ko 'yung ginagawa ni Ken Chan, 'yung 'My Special Tatay, 'yung mga ganu'ng roles. 'Yun na lang 'yung hindi ko pa nagagawa sa mga drama anthology. Gusto ko 'yun, gusto ko ang mga ganu'n kasi natsa-challenge ako as an actor, and at the same time kumbaga mailalabas ko rin 'yung alam kong puwede kong mai-share sa mga tao na talent na kaya ko ring gawin," saad niya.
Gusto rin daw ni EA na mag-action.
"'Yun pa lang as of now. Action! Gusto ko ring mag-action... Although takot ako sa mga baril, may trauma ako before. Pero dito sa GMA, gagawin ko 'yun, gusto kong magawa 'yon kasi hindi ko pa nagagawa. Gusto kong magawa 'yung mga hindi ko pa nagagawa para meron akong something new to offer sa mga Kapuso natin na masasabi nila 'Ah si EA, kaya siya dito kasi gusto niya ng ibang EA ang makikita.' So 'yun ang ma-o-offer ko sa mga Kapuso natin," patuloy niya.
Binanggit ni EA na mayroon siyang isang karanasan noon sa taping kung saan kamuntikan maaksidente ang kaniyang mata kaya na-trauma siya panandalian sa action.--FRJ, GMA News
