Bago pa man maging isang ganap na Kapuso star, nagmomodelo na si David Licauco dahil na rin sa maganda niyang pangangatawan. Alamin kung paano nadiskubre ng isang talent scout si David habang nagbabakasyon.

Sa programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos,  ikinuwento ni David na nagbabakasyon siya noon sa Boracay nang madiskubre siya ng isang talent scout at tinanong kung nagmomodelo siya.

Aminado ang leading man ng seryeng "TODA One I Love," na bago ang naturang alok sa Boracay, ilang rejections muna ang kaniyang naranasan.

Ang hinihinala niyang dahilan ng mga rejection, ang kakulangan ng tiwala sa sarili.

"Siguro the body was in me na but I guess 'yung confidence and the way you present yourself is very important in modelling. Kulang ako sa ganoon and mahiyain," ani David.

Taong 2014 nang tanghalin siyang 1st runner-up sa Mr. and Ms. Chinatown, at dito na lalong dumami ang alok niya sa modeling at nagbukas na rin ng oportunidad sa showbiz.

Napanood si David sa ilang Kapuso teleserye tulad ng "Mulawin vs. Ravena" (2017) at "Kapag Nahati ang Puso" (2018).

Tinanong ni Rhea si David kung okay lang sa kaniya na i-"flaunt" ang kaniyang katawan.

"Oo naman, kasi pinaghirapan ko siya. But paminsan, parang honestly, ayoko na, kunwari may show. 'Oh David maghuhubad ka.' Parang ayoko na, 'yun lang ba 'yung... Puwede naman akong maging cute or mag-acting na lang nang maganda," saad niya.

Panoorin ang buo niyang panayam:

--FRJ, GMA News