Inihayag ng Kapuso comedy genius at "Bubble Gang" mainstay na si Michael V. na plano rin niyang gumawa ng movie version ng "Pepito Manaloto" kapag naging matagumpay ang gagawin niyang pelikula na "Family History."

Ayon kay Michael V na kilala rin bilang si Bitoy, itinulad sa "Pepito Manaloto" ang workflow ng "Family History," kung saan bilang artista, siya rin ang direktor, producer, at scriptwriter.

 

 

"May advantage din for me as an actor, para sa ibang artista, kasi alam ko 'yung kakailanganin nila for the shoot. And pati sa production which is matagal na naming ginagawa ang 'Pepito Manaloto,' du'n namin pinagbasehan ang workflow namin; Na kung magagawa ito sa isang TV show, kayang gawin sa pelikula," saad niya sa ginanap na contract signing para sa partnership ng Mic Test Entertainment at GMA Pictures para sa "Family History" nitong Biyernes.

"So being in full control, binigyan ako ng pagkakataon na mailagay 'yung stamp ko dito na, ito 'yung magiging business card ko. Kumbaga kung gagawa ako ng future projects, at least sana ganito 'yung set up, ganito 'yung paraan, ganito 'yung mga pagmi-meet ng requirements," dagdag pa ni Bitoy.

Matagal na aniyang iniisip ni Bitoy ang maging direktor, aktor, scriptwriter at producer, na masasabi niyang magandang gawing "standard" sa paggawa ng pelikula.

"Even before sumalang ako as director dito sa project na ito, andami ko nang natutunan eh na parang, ang kulang na lang is for me to apply it, application na lang ang kulang. And kating-kati na nga ako na gawin eh at ma-prove na, ito kayang mga theory na ito ay magwo-work sa actual na environment na paggawa ng pelikula. And for the past two shooting days na ginawa namin, I would say na oo! Nagwo-work, and sana maging standard na hindi lang sa pelikula gagawin ng GMA Pictures and Mic Test Entertainment, kundi pati na rin sa buong industriya. Sana maging ito na ang standard," paliwanag niya.

Ngunit paglilinaw niya, "Hindi ko naman sinasabing the best itong standard na ginagawa namin, but it's a standard na magandang gawing pattern para sa lahat ng paggawa ng pelikula."

Kaya naman, sakaling magtagumpay ang "Family History," may plano ring gawan ng movie version ang "Pepito Manaloto."

"Actually, if this works, if "Family History" works, may plano kami na gawan naman ng movie version ang Pepito Manaloto. If this works. Kaya sana," natatawa niyang sabi. "Ngayon pa lang, marami nang sumusuporta, marami nang nag-e-express ng kanilang pagkagusto doon sa project, pagka-excite doon sa proyekto. And I would say na 'yung puso ko nasa into talaga. Maraming salamat! Ginagawa ko ito para sa inyo."

Kasamang pumirma ni Michael V. sina GMA President and COO Gilberto Duavit, GMA Executive Vice President and CFO Felipe Yalong, asawa at manager niyang si Carol Bunagan at executives ng Mic Test Entertainment.-- FRJ, GMA News