Aminado si Bianca Umali na 'complete stranger' para sa kaniya ang karakter na si Sahaya sa pinagbibidahan niyang bagong Kapuso series. Gayunman, labis daw niyang hinahangaan ang purity at pagiging inosente ng kaniyang karakter.

"Si Sahaya, istorya siya ng buhay kung saan pagdadaanan niya lahat ng aspeto ng buhay. Nandiyan 'yung pag-ibig, 'yung pamilya, 'yung pag-aaral, 'yung kultura, 'yung paniniwala at 'yung kung ano 'yung ipaglalaban mo para sa sarili mo," sabi ni Bianca sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes.

Kaya inilahad ni Bianca na ito ang pinaka-challenging role na kaniyang ginampanan.

"Kay Sahaya sobrang complete stranger siya for me. Wala kaming kahit na anong similarity, which is one of the most challenging parts ng pag-portray sa kaniya kasi kumbaga, parang kinailangan kong ipanganak 'yung sarili ko ulit para maging someone else. Hinahangaan ko siya sa purity niya, kung gaano siya ka-inosente," paliwanag ng aktres.

Katambalan ni Bianca si Miguel Tanfelix, na gumaganap bilang si Ahmad.

Mula sa pagsasayaw hanggang sa pananalita, sumailalim sina Bianca at Miguel sa iba't ibang cultural immersion ng mga Badjao.

"Bawat gamit, bawat galaw, bawat movement sa kanila, bawat parte ng damit, may ibig sabihin. Kaya interesting siya and challenging din for us kasi kailangan naming maging tama sa mga bawat episodes," ayon kay Miguel.

Isinaad pa ni Miguel na siya mismo ang gumawa ng mga eksena niya ng pagsisid para magampanan ng husto ang karakter.

"Bilang Ahmad, sumisisid ako, ako talaga 'yun walang double. Ayun 'yung paggampan ng isang tunay na Badjao, pero masaya siya," sabi pa ni Miguel. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News