Muling maghahatid ng inspirasyon sa telebisyon si Jo Berry sa pamamagitan ng role na kaniyang gagampanan sa special episode ng "Wish Ko Lang" na mapapanood sa darating na Sabado.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing hindi nalalayo sa role na ginampanan ni Jo sa "Onanay," ang karakter niyang si Michelle sa "Wish Ko Lang."

Sinabing magiging biktima ng panghahalay si Michelle, mabubuntis, at mag-isa niyang bubuhayin anak.

"Ganu'n din siyempre 'yung struggle po na little person siya, tapos kailangan niyang mag-provide para du'n sa anak niya nang siya lang. And mayroon pa po siyang problem din sa likod and as in may heart problem din siya," kuwento ni Jo.

Itinuturing ni Jo na karangalan na muling maging tulay at instrumento sa pagbubukas ng kaalaman tungkol sa mga totoong kuwento ng mga little people na tulad niya.

Makakasama rin niya sa episode sina Rodjun Cruz, Ge Villamil at si Caprice Cayetano, na gaganap bilang anak ni Michelle.

"Nu'ng nabasa ko pa lang [yung script] sabi ko, 'Grabe ang hirap nung pinagdaanan niya.'  Kinabahan din po ako kung paano ko ba siya ia-acting kasi ang heavy nga po," ayon kay Jo.

Umaasa si Jo na tulad ng kuwento ni Onay sa "Onanay," sana raw ay muli siyang nakapagbigay ng inspirasyon sa pagganap naman sa buhay ni Michelle.-- FRJ, GMA News