Naglabas ng pahayag ang GMA Artist Center kaugnay sa kinasangkutang aksidente ng aktor na si Migo Adecer. Inaresto ang aktor nitong Martes ng gabi matapos na makasagi umano ng motorsiklo na sakay ang dalawang empleyado ng MMDA.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakasaad sa pahayag ng GMA Artist Center na tinututukan nila nang maigi ang insidente na ikinasangkot ng aktor.

"He (Adecer) is willing to assist the two people injured and his lawyer is now coordinating with them. We defer Migo's lawyer to address all legal matters regarding this incident," saad sa pahayag.

Sa ulat naman GMA reporter Oscar Oida, sinabing nakapagpiyansa na si Migo matapos sumailalim sa inquest proceedings kaugnay ng reklamong disobedience to person in authority.

Naaresto ng mga pulis si Migo sa JP Rizal sa Makati dakong 6 p.m. matapos na masagi ang motorsiklo na sinasakyan nina Rogelio Castillano at Michelle Papin.

Mabangga rin ni Migo ang isang sasakyan ng mga pulis.

Base sa paunang ulat, nagtamo ng pinsala sa may balikat si Castillano, habang gasgas naman sa braso ang tinamo ni Papin.

Kuwento ni Castillano, "Bigla na lang may gumano'n na sasakyan, tumama kaagad sa may side mirror ng sasakyan. Kaya 'yung motor ko na mag-wiggle. Kaya bagsak namin pa-ganon."

Kuwento naman ni Police Colonel Roger Simon, hepe ng Makati City police, "Inipit namin 'yung kaniyang sasakyan doon sa harapan kaya hindi na siya maka-abante...Inatras niya ngayon 'yung kaniyang sasakyan pero nabagga nga niya itong nakaharang din na sasakyan sa likod itong mobile car nga namin."

Halata rin umano na nakainom ang aktor, sabi pa ni Simon.

Depensa naman ng abogado ni Adecer na si Atty. Marie Glen Abraham-Garduque, hindi alam ng kaniyang kliyente na may nasagi siya.

"So there was really no intent on his part to resist or disobey any person in authority... Kung unruly 'yung dating nun sa video, that because he was really scared and confuse nu'ng na-intercept siya. Kasi di nga niya alam na may nasagi siya," paliwanag ng abogado.

Iniimbestigahan din ang pagkakaroon umano ng dalawang lisensiya ni Migo.

Bago ang insidente ng pagkakasagi, nauna na raw kasing tiniketan si Migo para sa reckless driving sa Rockwell at kinumpiska ang kaniyang lisensiya.

Pero may ipinakita raw muli itong lisensiya nang madakip siya sa JP Rizal.

"Ire-report natin 'yan sa LTO (Land Transportation Office)  for possession of fake license," ani Police Major Gideon Ines ng Makati-PNP.

Ayon naman sa abogado ni Migo, "I will try to interview him more to ask him with respect to that allegation of the fake license."

Bandang alas-6 nitong Miyerkules ng gabi, naglabas na ng release order ang Metropolitan Trial Court ng Makati para kay Migo. 

Humingi raw ng paumanhin ang aktor sa mga pulis at mga nasagi niya.

"He told me naman vividly, sinabi niya sa akin na tutulong siya  sa mga medical expenses ng mga ito. Because there's a physical impossibility for him to do that now, as his representative, ako na 'yung kakausap sa kanila," sabi ni Garduque.

Samantala, nagpasya raw ang dalawang empleyado ng MMDA na hindi na raw sila magsasampa ng reklamo laban sa aktor. -- FRJ, GMA News