Pinuri ni Ken Chan si Martin del Rosario sa magaling na pagganap nito bilang pulis na ex-boyfriend ni Aubrey sa "My Special Tatay."
"Wala akong masabi sa aktor na 'to. Magaling talaga. Sinabi ko talaga mismo sa kaniya, 'Ang galing mo,' sabi ko. So nakakatuwa kasi 'yun eh, masarap kasing katrabaho 'yung mga aktor na nakakapagbigay ng emosyon sa kapwa aktor nila. Gano'n si Martin eh, titigan mo pa lang, 'yung mata pa lang niya, nagbibigay na siya ng emosyon," ani Ken.
Inihayag naman ni Martin na maraming fans ng "My Special Tatay" ang nagalit sa kaniya dahil ginulo pa nito ang relasyon ni Audrey kay Boyet sa nasabing show.
"Ako dito si Gardo, ako 'yung pulis na ex ni Aubrey. Kaya 'yung unang pasok ko, grabe papatayin yata ako ng mga tao! Sa social media talagang galit na galit [sila]," natatawang sabi ni Martin sa "Tunay Na Buhay."
Ngunit para kay Martin, tanda ito na epektibo ang kaniyang pagganap.
For me compliment naman 'yung mga ganu'n kasi character naman 'yun. Hindi naman 'yung 'I hate you Martin,' hindi naman. 'Yung character 'yung galit na galit sila. For me, malaking compliment 'yun naaasar sila, lalo na 'pag talagang nakakaasar naman ang character mo." —Jamil Santos/KG, GMA News
