Gaganap bilang mga OFW sa Hong Kong sina Alden Richards at Kathryn Bernardo para sa pelikulang pagtatambalan nila na "Hello, Love, Goodbye." Bilang bahagi ng kanilang paghahanda, sinabi ni Alden na isang gabi silang nagtrabaho ni Kathryn sa isang bar.

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ni Alden na marami siyang bagong natutunan sa shoot ng kanilang pelikula, kung saan kasama rin sina Joross Gamboa, Kakai Bautista, at Lovely Abella.

Puspusan ang kanilang trabaho roon, ayon sa Pambansang Bae, na kababalik lang sa Pilipinas.

"Everyday you learn something new and of course coming from new people especially with the likes of the direk Cathy Garcia, mas nadadagdagan pa 'yung kaalaman ko pagdating sa pag-arte," ayon sa aktor.

Minabuti ni Alden na kilalanin ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa abroad para maging makatotohanan ang kaniyang pagganap.

"It adds to the portrayal of the role. Siyempre nu'ng una kaming dumating du'n ako, kami ni Kath nag-immerse kami. Talagang nag-bartend kami at saka nag-waitress siya for a night sa isang bar. Kailangan mo talagang ramdamin 'yun talagang ano ang pakiramdam to be like them," saad niya.

Bukod dito, naghahanda na rin si Alden para sa Brooklyn, New York kung saan kabilang siya sa Kapusong Pinoy: Studio 7 Musikalye sa Brooklyn sa May 11 sa Kings Theatre.

Makakasama ni Alden sina Christian Bautista, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Kyline Alcantara, Golden Cañedo at Betong Sumaya, na hatid ng GMA Pinoy TV.

"Whenever we perform sa mga Kapuso shows abroad is to really entertain the Filipino community there. At saka siyempre they're far away from here para maramdaman nila 'yung mga Kapuso, malapit din sa mga Kapuso sa abroad," ayon kay Alden. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News