Ikinuwento ni Bossing Vic Sotto na kasama sa mga ipinangako niya noong nangangampanya siya para sa kandidatura ni Vico Sotto sa pagka-mayor ng Pasig, na babalik sa lungsod ang segment na "Juan for All, All For Juan" ng "Eat Bulaga" kapag nanalo ang kaniyang anak.

Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Vic na hindi na nabigyan ng permit ang "Eat Bulaga" para sa naturang segment mula nang tumakbong konsehal sa Pasig at nanalo si Vico noong 2016 elections.

"I don't know [bakit 'di na sila binigyan ng permit]. Siguro may kakaiba silang naramdaman. Eto na siguro yung naramdaman nila na makapagtatapos ng dynasty sa Pasig," sabi ni Vic.

Sa katatapos na halalan, nanalong mayor sa Pasig si Vico, na tumapos sa 27 taon ng mga Eusebio bilang alkalde ng lungsod.

Dagdag pa ni Vic, nabalitaan din niya na ipinagbawal umano sa Pasig ang pagbebenta ng kakaining biko, na katunog ng pangalan ng kaniyang anak.

Sa pagtatanong ng "KMJS" sa ilang residente sa Pasig, may nasabing ipinagbawal nga ang biko, pero may nagsabi rin naman na hindi totoo.

Ikinuwento rin ni Vic na magkahalong damdamin ang naramdaman niya nang sabihin sa kaniya ng anak na tatakbo siyang alkalde ng lungsod.

"Ninerbiyos ako. Nerbiyos na hindi takot. Kasi I don't know I have mixed emotions at that time," ayon kay Vic, na nagsabing dalawang araw bago ang deadline ng filing ng certificate of candidacy nang magpasyang tumakbong alkalde ang anak.

Una rin daw niyang tinanong ang anak kung nais nitong muling tumakbong konsehal pero ang pagiging alkalde raw talaga ang target na ni Vico.

"Tumawag siya sa akin na, 'Pa, takbo na kong mayor.' Medyo matagal yung sige ko, medyo tumagal yung 's'...sssige. Suportahan kita," natatawang kuwento pa ni Bossing.

Sa ngayon, hindi pa raw niya nararamdaman na may anak na siyang mayor pero very proud daw siya kay Vico.

Dagdag pa ni Vic, bata pa lang ang anak ay alam na niya na gusto ni Vico na magtrabaho sa gobyerno.

"Kasi maliit pang bata 'yan interesado na siya sa government eh. 'Pag tinanong mo sa kaniya anong gusto mong maging, 'Gusto kong magtrabaho sa gobyerno," kuwento pa ni Vic.

Hindi na bago sa mga Sotto ang magtrabaho sa gobyerno o sa pulitika. Bago si Senate President Tito Sotto, unang naging senador ang kanilang lolo na si Vicente Sotto, na tubong-Cebu.--FRJ, GMA News