Binigyang linaw ni Megan Young ang mga balitang lumabas sa online at tabloid na sikreto raw silang nagpakasal na ng nobyong si Mikael Daez.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing walong buwan ding hindi gumawa ng soap si Megan matapos ang "The Stepdaughters."
At sa loob ng panahon na iyon, lagi silang magkasama ni Mikael sa kanilang mga biyahe sa iba't ibang lugar sa mundo.
"Mik and I love travelling so nakapag-travel kami, so we were able to shoot content for our vlog and finally launch our podcast amongst other things," saad ni Megan.
Balik-taping na ngayon si Megan para sa isang bagong Kapuso series kasama sina Kris Bernal, Kim Domingo at Rayver Cruz, at nananabik daw siyang makasama sila sa trabaho sa unang pagkakataon.
"Ngayon, parang thriller, horror 'yung theme niya, so exciting siya. Nakakatakot hindi dahil sa genre siguro pero siguro dahil it's something new."
"Nag-workshop kami nu'ng isang araw so I feel like the chemistry is there. We just have to work on it at mangyayari lang 'yun kapag nagsimula na kami ng taping," ayon pa kay Megan.
Miss naman daw ni Megan na katrabaho si Mikael na leading man niya sa "The Stepdaughters."
"But at the same time, happy ako naiba naman. Kasi lagi ko naman siya nakakasama and I feel like ma-cha-challenge ako dahil panibagong co-worker."
Sinagot naman ng aktres ang ilang balita tungkol sa "secret marriage" nila ni Mikael, at kung naapektuhan ba siya nito.
"Hindi, kasi hindi siya totoo. Ahm, natatawa nga ako kasi, even my mom asked me, 'Anak, kasal na ba kayo?' 'Huh? Paano mangyayari 'yon? Bakit parang alam ng ibang tao bago mangyari?' No, we're not married and you don't have to believe the fake news." —Jamil Santos/JST, GMA News
