Pinagkaguluhan sa isang mall sa Mandaluyong ang Kapuso comedy genius na si Michael V. para gawin ang isang task para sa movie niyang "Family History."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita na kabilang sa mga nagpa-picture kay Michael o Bitoy, ang fans na naka-Spider-man costume.

Nilapitan naman niya ang isang lola na naka-wheelchair na tuwang-tuwang makita si Bitoy.

May ilang mga nagpa-autograph din sa kaniya.

Nagpunta umano sa mall si Bitoy para sa cinema test ng pinagbibidahan at idinirek niyang pelikula na "Family History" under GMA Picture at Mic Test Entertainment.

Gusto raw kasi ni Bitoy, na siya ring sumulat at producer ng "Family History," na mapanood at ma-experience ang pelikula na pinagtatambalan nila ni Dawn Zulueta, bago ito ipalabas sa mga sinehan sa July 24.

Ang co-stars naman ni Bitoy sa movie at kasama sa "Bubble Gang" na si Paolo Contis, hangang-hanga sa pagiging hands on daw ni Bitoy habang ginagawa ang kanilang pelikula.

"'Yung pagiging director niya dito first time ko siyang nakitang... grabe pala talagang organized niya talaga. Alam mo sa 'Bubble' magdo-drawing 'yan ng mga ano niya mga pang-next day shooting niya, buong pelikula na-story board niya," kuwento ni Paolo, na gumanap na bestfriend ng karakter niyang si Bitoy sa movie.

"Very actor's director talaga. Kasi gusto niya comfortable kayo, pinipilit niyang matapos nang maaga kasi alam niya 'yun eh, alam niya 'yung feeling na 'yun. So masaya, masaya siyang katrabaho, genius talaga," dagdag ng aktor.-- FRJ, GMA News