Dalawang artista hopefuls na ang nalagas sa final 14 ng "Starstruck" Season 7, pero may dalawa namang pumalit sa kanila na tinawag na "second chance takers."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes,  sinabing takot at panghihinayang daw ang naging laman ng isip ng mga naalis na sina Gelo Alagban at Angelic Guzman, matapos na sila ang makakuha ng pinakamababang scores sa Starstruck finalists nitong Sabado.

"Wala po sa intensiyon kong umiyak pero nag-pray lang po ako that time biglang pumasok sa isipan ko yung Iloilo, 'yung family ko, 'yung supporters. Sobrang napakabigat sa feeling niya kasi. I really think na sorbang aga po na magpaalam sa starstruck,"  ayon kay Gelo.

Sabi naman ni Angelic, "Mas nangibabaw po talaga 'yung thankful talaga ako. At some point po, gusto ko po talagang mag-stay, gusto ko pa pong matuto lalo at ma-challenge."

Naalis man, nagpapasalamat pa rin sila ang dalawa dahil ang pagkakasali nila sa Kapuso artista search ang nagbukas ng pinto para sa kanilang pangarap na pag-a-artista.

Sa halip na ma-discourage sa maagang pagkakaalis, sinabi ni Gelo at Angelic na gagamitin nila ang naturang karanasan sa "Starstruck" na parte ng challenges para pagbutihin pa ang kanilang ginagawa upang makamit ang kanilang pangarap.

Ipagpapatuloy din umano ng nila ang kanilang pag-aaral bilang grade 12 students. Handa naman daw silang magsakripisyo kung kailangang pagsabayin ang show business at edukasyon.

Kahit pa na-eliminate sina Gelo at Sngelic sa final 14, isa sa mga twist ng "Starstruck" ang pagpasok naman ang dalawang "second chancers" na sina Crystal Paras at Radson Flores para kumpletuhin pa rin ang bilang ng 14 na artista hopefuls.

Nakasama noon sa Crystal at Radson sa top 22 pero hindi pinalad na makasama sa final 14.--FRJ, GMA News