Sa isinagawang mall show ng cast ng pelikulang "Family History" sa Pampanga kamakailan, nakaharap ni Michael V ang kaniyang avid fan na isa ring artist na may rare congenital bone disease.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing lumapit kay Michael V o Bitoy ang kaniyang tagahanga na si Erwin Dayrit.

"Nakikita ko kasi 'yung mga ano niya eh, 'yung mga gawa niya kasi artist din siya," saad ni Edwin na minsan nang naitampok sa drama anthology na "Magpakailanman" ang istorya ng buhay.

WATCH: Magpakailanman: The inspiring story of Erwin Dayrit

Hindi naman itinago ni Bitoy ang kaniyang paghanga kay Edwin, na naipalabas din sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang ginawang pag-akyat sa bundok para makita at maibigay ang munti niyang regalo sa kilalang tattoo artist na si Apo Whang Od.

"Pareho kami ballpen ang medium na ginagamit eh, kaya lang ito mas matiyaga. Grabe ang galing nito," saad ni Bitoy kay Edwin.

Sa Miyerkules na mapapanood ang pelikulang "Family History" na pinagbibidahan nina Dawn Zulueta at Bitoy, na siyang direktor.

Labis naman ang pasasalamat ni Dawn sa mga nagpunta sa kanilang mga mall show.

"Malaking, malaking pasalamat sa lahat ng binisita naming mga siyudad at probinsya dahil napaka-warm ng welcome nilang lahat sa amin. Maraming salamat sa inyo. Panoorin po ninyo, sa July 24 na po ang 'Family History," anang aktres.


Saad naman ni Bitoy, "Walang palya. Lahat ng pinuntahan namin na mall show napaka-warm ng pagtanggap sa amin.  Special 'to eh, movie 'to eh so dapat 'yung mga hindi niyo nakikita sa tv dito niyo makita."

Samantala, mga estudyante naman mula sa iba't ibang unibersidad sa Cebu ang kasama ni Michael V sa isinagawang GMA RTV Masterclass Series 2.0, Balitang Bisdak Conversations with Michael V.

Kasama ang kaniyang asawa na si Carol, tiniyak ni Bitoy na maipapabaon niya sa mga estudyante ang kaniyang life lessons na nagbukas ng maraming oportunidad para sa kaniya.

"The only word I can think of is prioritize. You have to learn to prioritize. You have to learn how to accept things na magagawa mo kaagad at saka 'yung mga hindi mo kaya," payo niya. --FRJ, GMA News