Usap-usapan na online ang movie na "Family History" dahil sa naramdamang rollercoaster na emosyon ng mga nanonood. Pero bukod sa maganda nitong istorya, bakit baka naging usap-usapan din ang number "46?"

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  ipinakita ang video ni Lovely Abella na iyak nang iyak sa kaniyang upuan matapos panoorin ang pelikula na pinagbibidahan nina Michael V at Dawn Zulueta.

Ang mga netizens na nakapanood na rin, ibinahagi rin ang kanilang reaksyon sa social media.

Ayon sa film critic na si Pablo Tariman, sinabing well-written at well-acted daw ang pelikula.

Pinuri din niya ang direktor nito na si Michael V rin.

Ang entertainment editor na si Nickie Wang, marami raw naramdamang emosyon, mga "46" daw.

Si Ervin Santiago na isa ring entertainment editor, sinabing genius daw talaga si direk Bitoy, as in "46" times daw.

Sabi naman ni Rose Garcia ng PEP.ph, "46" na tawa at lungkot daw ang naramdaman.

Ang kolumnista namang si Allan Diones, "46" times daw gustong panoorin ang "Family History." Habang "46" na saludo naman ang gusto raw na ibigay ng entertainment editor na si Roldan Castro sa pelikula.

Pero bakit nga ba laging nababanggit ang "46" sa kanilang review at reaksyon ng mga netizen?

Sabi ni Bitoy tungkol dito, "Isa 'yan sa mga bagay na kailangan n'yo talagang panoorin para maintindihan dahil hindi niyo talaga mage-gets."

"Kumbaga 'o.p.' kayo 'pagka hindi n'yo alam 'yung number '46'. So kung talagang gusto n'yong malaman I would suggest na panoorin n'yo at masisiguro ko sa inyo na hindi kayo manghihinayang sa ibabayad n'yo," patuloy niya.

Showing na ang "Family History" na patuloy na pinipilahan sa mga sinehan sa buong bansa.-- FRJ, GMA News