Villainess 'to the first degree' ang bagong look ngayon ni Thea Tolentino sa kaniyang black and yellow gown para sa bagong Kapuso series na "Madrasta," na tiyak muling kaiinisan ng mga tao. Ayon sa aktres, siya talaga ang nagbibigay ng suhestiyon para sa kaniyang magiging look sa serye.

"Sa damit ko pa lang, kwintas ko pa lang, baka ikagagalit na ng mga tao," natatawang sabi ni Thea sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes.

"Ako 'yung nagsa-suggest po na baguhin 'yung hair and gusto ko kasi iba-iba 'yung look ko talaga," ayon pa kay Thea.

Pagbibidahan nina Thea, Juancho Trivino, Phytos Ramirez at Arra San Agustin ang Madrasta, at pictorial pa lang nila ay mistulang fashion show na ang kanilang peg.

Pabonggahan ng mga gown ang mga babae, at todo porma naman sa kanilang suit ang mga lalaki.

"The whole premise of the show is to show na iba 'yung styling namin, very stylish character," saad ni Juancho.

"Every damit pa lang, nandu'n na 'yung character, sa tao pa lang makikita nila na 'Uy! Eto 'yung character niya," sabi ni Phytos.

Kumpara kay Thea, simple ang damit ni Arra.

"The look for my character would be preppy lang siya. Parang basic na simple pero fashionable pa rin, pero mostly laid back and preppy po siya," ayon kay Arra.

Unang pagkakataon nina Juancho at Arra na magtatambal para sa isang Kapuso series.

"Overwhelmingly greatful. Kahit na malaki 'yung responsibility namin dito, siyempre laking pasasalamat namin kasi iilan lang po ba 'yung binibigyan ng ganitong mga role," sabi ni Arra.

"Once we really focus on what we're doing right now, everything will fall into place," sabi naman ni Juancho.--Jamil Santos/FRJ, GMA News