Dalawa ang nasawi—kabilang ang 70-anyos na babaeng pasyente—nang maaksidente ang sinasakyan nilang ambulansiya habang patungo sa ospital sa Pontevedra, Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente nang iwasan umano ng ambulansiya ang isa pang sasakyan habang bumibiyahe sila sa Barangay Recreo noong Miyerkules.

Nawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver ng ambulansiya at bumangga sila sa kongkretong poste sa gilid ng daan.

Sa lakas ng pagbangga, nagtamo ng mga pinsala sa ulo at katawan ang apat na sakay ng ambulansiya.

Nasawi kalaunan ang pasyente, at ang kasamahan ng driver ng ambulansiya. Sugatan naman ang driver at isang kasama ng pasyente. -- FRJ GMA News