Nagbigay-pugay ang lead stars ng Pinoy adaptation ng "Descendants of the Sun" na sina Dingdong Dantes at Rocco Nacino sa ilang sundalong sugatan na nagpapagaling sa Philippine Army General Hospital.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing sinamahan nina Dingdong at Rocco si Lieutenant General Macairog Alberto, Commanding General ng Philippine Army General Hospital, sa pagbibigay ng awards at promotion sa ilang sundalo.
Bukod sa pagpapasalamat ng mga sundalo, thankful din ang Kapuso stars sa pambihirang pagkakataon na masaksihan ang paggagawad ng parangal sa mga itinuturing na bayani ng bayan.
Gaganap na mga sundalo sina Dingdong at Rocco sa kanilang upcoming primetime series na "Descendants of the Sun." --FRJ, GMA News
