In character si Kris Bernal bilang multong si "Naomi" ng seryeng "Hanggang Sa Dulo ng Buhay Ko," nang maging "guest ghost" para manakot sa mga papasok sa horror house na Asylum Manila. Ang kaso, ang dapat na mananakot, natakot din.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, isinuot ni Kris ang markado niyang red gown at ghost make-up bilang si Naomi, ang multong patay na patay kay "Matteo," na ginampanan ni Rayver Cruz.

At nang gawin na ni Kris ang challenge, may pagkakataon na "fail" at mayroon ding "success" sa panggugulat ang aktres. Pero ilang beses din na siya mismo ang natakot at nagulat sa kaniyang mga kapwa "ghost."

Ilang beses din naging instant fan meet ang tagpo sa loob ng horror house, at nandoon pa ang kapwa niya Kapuso star na si Derrick Monasterio.

Aminado si Kris na may pagkakataon na nahihiya siya at nalaman niyang mas mahirap takutin ang mga lalaki.

Pero kabuuan, bumilib siya sa mga nagtatrabaho sa horror house at labis siyang nag-enjoy at nagpasalamat sa kaniyang early Halloween treat.--Jamil Santos/FRJ, GMA News