Idineklarang persona non grata ng mga lokal na opisyal sa General Santos City ang OPM singer na si Leah Navarro dahil sa kaniyang tweet na "retribution" tungkol sa naganap na lindol sa Mindanao. Ang mang-aawit, humingi ng paumanhin.

Nag-ugat ang usapin sa isang post ni dating Supreme Court spokesperson Theodore Te noong Huwebes kaugnay sa magkakasunod na lindol sa Mindanao.

“What’s with all the earthquakes in Mindanao?,” tanong na post ni Te.

Sumagot naman dito si Leah na, “Retribution?”

Maraming netizens ang hindi natuwa sa naturang sagot ni Leah.

Kapwa inalis na ang naturang post.

Humingi ng paumanhin si Te sa kaniyang post na wala umanong ibang ibig sabihin at hindi niya inasahan na magkakaroon ng ibang kahulugan.

"I have deleted a tweet and my reply-explanation to that tweet which, though unintended, have caused offense, pain, and hurt to family and friends in Mindanao where I am from, proud to be from, and which I love," paliwanag ni Te.

"Though my tweet was rhetorical, non-political, and personal, it invited hurtful replies from others whose tweets I cannot and do not control. I apologize for giving them that platform. To family and friends from Mindanao, please be assured of my prayers for your safety," dagdag niya.

 

 

 

 

Kasunod nito, inihain naman sa GenSan ang resolusyon na ideklarang persona non grata si Leah na kaagad inaprubahan ng konseho.

Humingi rin ng paumanhin si Leah sa kaniyang tweet at wala na raw siyang magagawa kung hindi siya mapapatawad.

“I apologized, deleted my tweet and regret the hurt I caused. It is their choice not to forgive. There’s nothing I can do about that,” ayon sa batikang mang-aawit.

Nitong nakaraang Oktubre, magkakasunod na niyanig ng malalakas na lindol ang Mindanao: October 16 (magnitude 6.3), October 29 (magnitude 6.6), at October 31 (magnitude 6.5).

Batay sa datos ng national disaster management council, 21 ang nasawi, 421 ang nasaktan, at dalawa ang nawawala dahil sa lindol.—FRJ, GMA News