Dahil sa kaniyang maldita, bratinella, at matapobre na karakter na si Brianna sa Kapuso series na "Prima Donnas," kinaiinisan ng marami si Elijah Alejo. Ang Kapuso teen actress, tanggap na raw ang pamba-bash sa kaniya.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kinaiinisan si Brianna dahil feel na feel niyang tunay siyang apo ng mga Claveria.

Puro pang-aapi rin ang inaabot kay Brianna ng tatlong kambal na sina Donna Marie, Donna Belle, at Donnalyn, na ginagampanan nina Jillian Ward, Althea Ablan at Sofia Pablo.

WATCH: Lilian, ipinagtapat kay Jaime ang lihim na nangyari kay Donna Marie

Kahit nga sa kaniyang ina na si Kendra, na ginagampanan ni Aiko Melendez, madalas na bastos at walang kalambing-lambing si Brianna.

Pero tanggap na raw ni Elijah ang kaliwa't kanan na galit sa kaniya ng fans na sumusubaybay sa "Prima Donnas."

"Thank you, mainis pa po kayo lalo," nakangiting sabi ni Elijah.

Unang beses ito ni Elijah na gumanap bilang kontrabida dahil panay inaapi ang role niya noon.

"'Yung talagang kapag titingin pa lang po ako, talagang dapat po ganito na, 'yung full of emotions po 'yung mata ko," kuwento ni Elijah sa style niya sa pagiging kontrabida.

Gayunman, kabaliktaran ng pagiging O.A. at maldita ni Brianna si Elijah sa tunay na buhay.

Masiyahin at makulit si Elijah lalo sa kaniyang co-stars, at sisters pa ang turingan nila sa isa't isa.

Bukod doon, certified bookworm din si Elijah.

"Mas prefer ko po ang mystery thriller," ayon sa kaniya.

Inilahad ni Elijah ang idol niya pagdating sa pagiging kontrabida.

"Si Ms. Glaiza de Castro po talagang kasi bukod po sa kontrabida kaya niyang maging mukhang nakakaawa kahit kontrabida siya, ang galing niya po!" sabi ng teen actress.

Pero paalala sa mga bata, hindi dapat tularan ang masamang pag-uugali ni Brianna. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News