Kahit tila aso't pusa ang kanilang pagtitinginan sa Kapuso hit series na "Prima Donnas," kinakikiligan pa rin ng fans ang 'Team Siopao' nina Althea Ablan at Julius Miguel.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mapagbiro at mapang-asar ang karakter ni Julius na si "Uno" sa serye. At ang lagi niyang pinupuntirya ay si "Ella" na ginagampanan ni Althea.
Pero kahit may pagka-bully si Uno, nag-aalala rin pala siya sa magkakapatid na Donnas, lalo na kay Ella.
WATCH: Magkakapatid na Mayi, Ella at Lenlen, magkakasama pa rin sa iisang bubong
Ang love-hate relationship nina Uno at Ella kinakikiligan ng fans at tinawag ang kanilang tandem na Team Siopao
Sabi ni Althea, kahit off-cam ay nagiging mapang-asar si Julius.
"Lagi niya ako inaasar... yung height ko at pisngi ko," natatawang sabi ni Althea.
Outside the show, masisipag mag-aral at active sa sports sina Althea at Julius. Katunayan, captain ng basketball varsity team si Julius, habang nasa volleyball varsity team naman si Althea.
Kahit mahirap pagsabayin ang pag-aaral at ang pag-aartista, doble kayod din ang dalawa para sa kanilang pag-aaral.
"If you love something at desidido ka sa isang bagay makakagawa ka ng paraan para mabalanse ang oras," ayon kay Juluis.
Bukod sa sports at sa school, may iba pang hobbies sina Julius at Althea.
Ang binata, may talent sa pagkanta at madalas na magpo-post ng covers ng iba't ibang kanta sa Youtube.
Habang si Althea, nakakahiligan naman ang pagbi-vlog tungkol sa travel at pagkain.--FRJ, GMA News
