Simple pero extra special ang iceberg engagement ring na ibinigay ni Mikael Daez sa asawa na niya ngayong si Megan Young. Bukod sa hango ito sa kinahihiligan nilang video game, ipinagawa pa ito ni Mikael sa lola niyang jeweler na si Amelita Daez.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ni Lola Amelita na specific si Megan sa kulay at disenyo ng singsing.

"It's not easy to get that stone... The cutters, they cut big, big colored stones but she didn't want a big one. She's that simple," kuwento ni Lola Amelita.

Inihayag ni Megan na matagal na silang engaged ni Mikael, bago pa siya bigyan nito ng engagement ring.

"Mik and I were engaged for five years," kuwento ni Megan.

"That's a minor detail that you have to know... It was a spontaneous proposal around four and a half years ago and siyempre dahil spontaneous hindi naman ako handa, wala akong ring," ayon naman kay Mikael.

Angkop sa pagiging simple at kinang ni Miss World 2013 ang light blue topaz na napaliligiran ng mga diamonds.

Mahilig mangsorpresa sina Mikael at Megan dahil halos walang nakaaalam ng kanilang engagement at kasal.

Lumabas din na base ang engagement ring sa hilig nilang dalawa sa video games.

"Ragnarok," sagot ni Megan.

"[Ragnarok] ang peg, we can send you photo of that, and it looks exactly like it. So it's a video game ring, 'yun ang naging peg namin... Alam ko naman 'yung tradition was diamonds pero mas importante para sa akin kung ano 'yung gusto niya personally," saad ni Mikael.

Inihayag nina Mikael at Megan ang pagbabagong nakita nila sa kanilang relasyon, ngayong wala pang isang buwan mula nang ikasal sila.

"It feels the same, Hahaha! Let's be honest, it feels the same, it doesn't feel like anything has really changed. I think it's because Mik and I have been together for nine years already," sabi ni Megan.

"During the first week maybe, like when we'd wake up, I'd go 'Good morning, asawa kita!' Ganiyan Hahaha!"

"Makulit siya, sinasabi niya talaga, lagi niya akong nire-remind," sabi ni Mikael.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News