Tila blessing in disguise ang pagkakapanalo ni Jennylyn Mercado sa unang season ng Kapuso talent search "Starstruck" dahil noong una ay ayaw pala talaga niyang mag-audition kung hindi siya pinilit ng kaniyang Mommy Lydia.
"Accident kasi 'yung audition ko eh. May nakakita sa akin sa salon, inabutan ako ng card. Tinanggap ko pero para sa akin hindi ko kaya na umarte kasi iba 'yung buhay ko eh tsaka mahiyain ako. Kanta lang tapos nag-aaral lang ako. Hindi ko kayang umarte, hindi ko kayang sumayaw, hindi ko kayang mag-host," sabi ni Jennylyn sa #RealTalk ng GMA Public Affairs.
"Sinabi ko sa nanay ko, nagalit sa akin 'yung nanay ko kasi sabi niya 'Ano ka ba? Bakit mo pinapalagpas 'yung mga ganoong opportunity?' Sapilitan na dinala niya ako sa GMA para mag-audition. Lima lang kami or anim, walang pila," pagpapatuloy ni Jen.
Sa kabila ng kaniyang pagdadahilan, malakas pa rin ang paghikayat sa kaniya ni Mommy Lydia.
"Umiiyak na ako noon kasi sabi ko 'Ma, ayoko talaga 'to, hindi ko kaya. Hindi ko kayang umarte kasi kilala niyo naman ako, napakamahiyain ko, hanggang singing lang ang kaya kong gawin," pagbabalik-tanaw ni Jen.
Pero naging mapilit daw ang kaniyang ina at sinunod niya ang gusto nito.
Hindi naman nagkamali si Mommy Lydia dahil si Jennylyn ang itinanghal na Season 1 Ultimate Female Survivor.
Pero kung hindi artista, pipiliin daw ni Jen na maging isang chef.
Samantala, ngayong malaki na ang anak niyang Jazz, natanong si Jen kung handa na kaya siyang lumagay sa tahimik.
"Sa ngayon, hindi muna," tila nahihiyang tugon ni Jen. "Wala pang plans. Priority ko muna si Jazz." --FRJ, GMA News
