Labis daw ang saya ni Sanya Lopez nang makasama siya sa mga magbibigay-boses sa mga karakter sa Lenten Special ng GMA Network na "Jesus: His Life." Kuwento ng aktres, labis ang paghanga niya sa mga dubber dahil higit pa sa pag-arte ang kailangan nilang gawin.

Ayon kay Sanya, naging panata na nila ng kaniyang kapatid na si Jak Roberto na makagawa ng proyekto na may kaugnayan sa Semana Santa kaya excited siya nang malaman niyang kasama siya sa Lenten Special ng GMA.

Pero kahit boses lang niya ang kailangan, hindi pa rin daw napigilan ni Sanya na maiyak nang totoo habang naglalapat ng tinig sa karakter ni Magdalena dahil nadala siya sa eksena.

Nang tanungin naman kung ano ang mas mahirap, dubbing o pag-arte,  pinili ni Sanya ang dubbing.

"Mas mahirap 'tong dubbing kaya ang taas po ng respeto ko sa mga dubber," saad niya.

"Kasi kailangan mo siyang sabayan pero umaarte ka pa rin. Minsan kailangan mo munang pag-aralan yung reaksyon niya (karakter), kailangang mag-sync yung boses mo dun sa mismong karakter. Hindi siya basta-basta magsasalita ka lang, dapat may nararamdaman ka rin, umaarete ka rin kahit hindi ka nakikita," paliwanag pa ni Sanya.--FRJ, GMA News