Hindi inakala ng composer na si Arnel de Pano  na pagkaraan ng 30 taon ay aawitin sa kaniyang paggaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isinulat niyang kanta na "Lead Me Lord."

Ang "Lead Me Lord" ang isa sa mga awitin na pinaghuhugutan ngayon ng lakas ng mga medical frontliner at mga pasyenteng humaharap sa laban kontra sa COVID-19.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, ibinahagi ni de Pano ang kaniyang naging laban sa COVID-19 kung saan naratay siya sa Marikina Valley Medical Center.

Sa naturang pagamutan, inawit sa kaniya ng mga hospital staff ang kaniyang sikat na awitin bilang isang paraan na rin ng panalangin.

"Humagulgol ako after. Kumakanta ako with them. Nakataas 'yung kamay ko in thanksgiving and in praise and then ipinanalanganin ko sila," saad ng kompositor.

Pagkaraan ng dalawang linggong gamutan, napagtagumpayan ni de Pano ang laban sa nakamamatay na virus.

"The way it is being used now, it's very powerful. Sa akin regalo sa akin 'yan. It's not my doing pero ano 'yan biyaya ng Panginoon sa akin," pahayag niya.

Labis-labis ang pasasalamat niya sa mga medical staff na nagtulong-tulong sa kaniyang paggaling.

"The frontliners will do everything to keep you alive, to get you back on the road to recovery," aniya. "Hindi sila magi-give up."-- FRJ, GMA News