Sa tulong ng kaniyang unang asawa at mga kaibigan sa showbiz, nadala na sa ospital ang batikang aktor na si John Regala.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga tumulong kay John sina Nadia Montenegro, Chuckie Dreyfus, Aster Arroyo, at Film Development Council of the Philippines chair Liza Diño.

Dinala si John sa National Kidney and Transplant Institute para tugunan ang mga problema sa kaniyang kalusugan.

“Right now talaga he’s in a lot of pain because apart from his liver and kidney problems, which are barely functioning already, he also has gout. Sobrang lagi siyang nagko-complain sa sobrang sakit,” sabi ni Chuckie.

“Nadurog talaga ang puso ko. Parang why is he going through this? And I cannot imagine someone going through this alone so parang I really felt the need to reach out,” dagdag pa ng aktor.

Samantala, kahit matagal nang hiwalay, gumawa rin ng paraan ang dating asawa ni John na si Aurina Alvarez Manansala-Hunt, na naninirahan na ngayon sa Amerika.

“Makikita mo pa rin na talagang gusto niya pa ring lumaban ngayon. Kasi before talagang malungkot na siya eh. So ever since noon, two to three days or almost one week iyak ako nang iyak. Noong napasok na siya sa ospital talagang sabi ko lakasan mo loob mo,” kuwento ni Aurina.

Hinikayat din niya ang mga kaibigan at mga kamag-anak ni John na magbigay ng mensahe upang hikayating na magpagaling.

“So hopefully, ’yong mga ibang pamilya, kamag-anak tawagan siya para may a little bit of support … para pampalakas ng sigla niya,” saad niya.

Nanawagan din siya sa mga tagahanga ng kaniyang dating kabiyak na ipagdasal ang aktor.– FRJ, GMA News