Natupad na ni Sanya Lopez ang matagal na niyang pinapangarap na magkaroon ng sariling bahay. Biro ng aktres, isinakripisyo niya ang kaniyang love life para sa inaasam niyang bahay.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing halos 200 square meter na modern design ang tahanan ni Sanya.

Bunga raw ito ng pagsusumikap, pagtitiyaga at blessing sa buhay at career ng aktres.

"Dati kasi para akong nakatira sa isang maliit na apartment sa may Valenzuela. 'Yun ay isang room lang tapos paglabas mo nandu'n na lahat, napakaliit, halos hindi kasya 'yung mga gamit," kuwento ng aktres.

"Nag-decide kaming lumipat sa isang bahay. Ang una naming upa, sa may Tandang Sora, kasama ko po 'yung PA ko sa room, siguro nagkaroon lang kami ng konting kurtina para lang hindi kami magkita-kita, parang ganu'n lang. So minsan nagtiis din ako sa mga gano'n," dagdag pa niya.

Noong nakaraang taon, nag-house hunting daw sila ng kaniyang kuya na si Jak Roberto, at naghanap sila ng dog-friendly na bahay.

Matagal daw inilaan ni Sanya ang mga kinikita sa pag-aartista para sa kaniyang dream house at umiwas din sa pagbili ng mga mamahaling gamit.

"Biggest sacrifice, siguro hindi ko pinriority ang love life," natatawa niyang sabi.
"Pero feeling ko kasi malaking factor talaga 'yung love life pagdating sa pag-iipon for me. Kasi siguro kung siningit ko 'yun, baka hindi ako masyadong focused," anang Kapuso actress.

Ayon pa sa aktres, nakatulong din sa kaniyang pag-iipon ang hindi niya pagbili ng mga mamahaling gamit.

"Pagdating sa pagtitipid hindi ako mahilig lumabas, hindi rin ako mahilig masyadong bumili ng mga bags, ng mga shoes, not unless importante at kailangang kailangan ko talaga," pahayag pa niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News