Kaiba sa mga nakasanayan niyang ballad at hugot songs, novelty at pang-millennial naman ang bagong single ni "Kapuso OST Princess" Hannah Precillas na "Sabi Ko Na Nga Ba" na nakatakdang i-release nitong Huwebes.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing ire-release ang bagong single na Hannah sa digital platforms worldwide.

Kakaibang kanta ang "Sabi Ko Na Nga Ba" na iba sa kadalasan niyang mga kanta na naging theme song pa ng ilang Kapuso series.

"As in lumabas ako sa comfort zone ko na, very millennial 'yung tunog eh. So feeling ko sa meaning pa lang ng kanta maraming makaka-relate tapos 'yung theme ng kanta, 'yung beat, very catchy," sabi ni Hannah.

Maituturing niya naman na blessing ang bago niyang single na nai-record niya sa gitna ng pandemya.

Sa sariling bahay niya mismo siya nag-DIY shoot ng kaniyang birit video ng single.

"As an artist, as a singer, gusto kasing mag-grow pa, 'yun ang binigay ko sa sarili ko na lesson na never stop learning, always put a room for a new lesson. Kasi ako rin ang makikinabang noon eh. Ayoko kasing mag-stick lang sa 'Okay ganito lang.' Gusto kong mag-explore pa nang mag-explore ng iba ibang genre kung kaya."

Miss na raw ni Hannah ang magtanghal nang may live audience pero masaya siya na nakakakonekta pa rin siya sa fans sa pamamagitan ng online platforms tulad ng Instagram at Tiktok.

Maging fans niya sa Indonesia matapos siyang manalo bilang second runner up sa Dangdut Academy singing competition, madalas pa rin niyang nakakausap at lagi silang sumusuporta sa kaniya.

"From time to time nagvi-video call kami tapos chat palagi talaga. As in kung may gagawin akong ganito, kunwari may gagawin akong project, 'Uy support niyo ako,' ganiyan, active naman sila sobra. Palagi kaming nag-uusap, nagkakamustahan na parang pamilya lang din," kuwento ni Hannah. —LBG, GMA News