Nagsisimula nang bumangon muli si Kim Domingo matapos siyang makaranas ng anxiety at clinical depression sa pagpanaw ng kaniyang best friend na si Angel.

"Kumbaga 'yung love na binigay niya sa akin, unconditional talaga. Kasi hindi na siya nag-girlfriend. Naiyak ako... Sorry, kasi naaalala ko," kuwento ni Kim sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.

Matapos ang ilang buwan, nakapagsalita na si Kim para pag-usapan ang pagpanaw ng kaniyang best friend mula pa noong high school.

Kasama raw ni Kim si Angel sa bahay, katuwang sa buhay at kapatid na rin ang turing niya rito.

Binawian ng buhay si Angel nitong Agosto dahil sa tumor sa baga.

Ayon kay Kim, gumuho ang kaniyang mundo noong panahon na namaalam ang kaniyang matalik na kaibigan.

"Tuwing magkakaroon ako ng achievement, pupunta ako lagi sa kaniya, sabi ko dadalawin ko siya. Kumbaga sa pagdalaw ko, every achievement na mararating ko ngayon sabi ko, alay ko 'yun sa kaniya," anang aktres.

"Kasi, sobra, ang dami naming dreams. Tsaka sa lahat ng pangarap ko sa buhay talagang kasama na siya doon kasi hindi ko siya itinuring na parang kaibigan lang. As in part of the family talaga," patuloy niya.

Inilahad din ni Kim na nagkaroon siya ng anxiety at nakaranas ng clinical depression kaya kumonsulta siya sa espesyalista.

Unti-unti naman nang bumangon ang aktres sa tulong na rin ng kaniyang mga kamag-anak at kaibigan.

Dagdag pa niya, nagsisimula na siyang mag-move on sa isa sa pinakamasakit na dagok sa kaniyang buhay.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News