Pinaghahandaan na ng cast ng "Love of My Life" ang kanilang lock-in taping na tatagal ng 22 araw. Kaya ang mga kasama sa serye, pinag-iisipan na ang mga importanteng bagay na kanilang dadalhin.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing karamihan sa cast ng serye ay first time na sasabak sa lock-in taping tulad nina Connie Reyes, Mikael Daez at Carla Abellana.

Hindi raw nila alam kung ano ang mga dapat asahan sa lock-in taping.

"Minsan iniisip ko, 'Kailangan ko ba talagang dalhin ito o hindi na? Baka hanapin ko 'pag andu'n ako, magsisi ako kung hindi ko dala,' mga ganu'n. Tsaka 'yung mga pagkain pinag-uusapan namin," sabi ni Connie.

"As much as possible dahil work-trip ito, I would like to avoid that. Mahirap kung kulangin, mga gano'n. Essentials like that, sana hindi ko na kailangang isipin," ayon naman kay Mikael.

Ang kasama rin sa cast na si Rhian Ramos, nakaranas na ng lock-in taping sa "I Can See You: Truly, Madly, Deadly," kasama sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.

Marami aniyang natutunan si Rhian na ituturo niya sa kaniyang mga kasamahan.

"I think 'yung mga dadalhin ko na kakaiba talaga, meron akong mini-washing machine na dadalhin for the room. I guess for smaller things 'yung mga intimate and things like that you don't want them to wash doon sa labas," sabi ni Rhian.

Naghanda na rin si Carla ng kaniyang mga dadalhin, na ipinakita niya rin sa kaniyang YouTube channel.

Nilabhan na ni Carla ang mga isusuot niya sa taping, at magdadala ng mga bagay para maging kumportable sa taping.

"May dadalhin akong travel cooker, maliit lang siya, portable. So at least anytime, if nagutom man or anybody wants food, may maliit ako na stockable lang siyang cooker," kuwento ni Carla.--Jamil Santos/FRJ, GMA News