Inihayag ni Gina Pareño ang kaniyang interes na mag-apply bilang Pilipinang lola sa isang upcoming movie ng Walt Disney Studios.

"Pasado ba ako pag nag audition ako sa Disney? RETWEET IF YOU AGREE," saad ni Gina sa kaniyang tweet, kasama ang kaniyang larawan at anunsyo ng Disney.

 

 

Sa kanilang imbitasyon, inilahad ng Disney na naghahanap sila ng babaeng 50 hanggang 90-taong-gulang, Pilipino man o Filipino-American.

Hindi naman kinakailangan ng professional acting experience, at kailangan lamang na fluent sa Ingles at kumportableng bumiyahe sa eroplano papuntang Atlanta, Georgia.

Gagawin ang shooting sa kalagitnaan ng Pebrero 2021 sa Atlanta, Georgia.

Hindi pa inanunsyo ang titulo ng proyekto at ang mga detalye nito.

Marami nang napanalunang award si Gina sa lokal at maging international, tulad ng pagiging Best Actress sa Pacific Meridian International Film Festival, Asian Television Award at Amiens International Film Festival.

Nanalo na rin si Gina sa FAMAS, Luna Awards, Gaward Urian, Metro Manila Film Festival at Star Awards for Movies.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News