Ibinahagi ng King Badger ng grupong Ex Battalion  ang kaniyang ‘fat to fit’ journey sa loob ng limang buwan. Pag-amin niya, naging inspirasyon niya ang seksi niyang misis na si Jelai Andres.

Sa panimula ng kanilang vlog na, “New Year, New Me: Fat to Fit,” sinabi ni King na posibleng tumaba siya dahil sa pagiging busy noon sa trabaho bilang miyembro ng Ex Battalion at napabayaan na niya ang kaniyang katawan.

Ipinakita rin niya ang mga larawan ni Jelai Andres na nakabikini upang bigyan-diin ang kaseksihan ng asawa habang siya ay nagpabaya sa kaniyang pangangatawan.

"This is my wife, this is me. Uulitin ko: This is my wife — sexy. This is me — fat," anang rapper. "I have used her as my inspiration and to fuel my motivation."

Ngayon na matipuno na ang pangangatawan, ipaliwanag ni King na mahalaga ang diet sa pagbabawas ng timbang.

“Sa totoo lang, kailangan talaga mauna ang focus sa DIET bago sa EXERCISE. Sabi nga nila 30% Workout 70% Nutrition,” paliwanag niya sa Instagram caption.

“I can lose fat even without cardio but since I have set a goal sa utak ko na mas gusto ko mabilis na progress, we have added cardio along with lifting weights para mas pulido,” dagdag niya.

Aminado rin si King na hindi madali ang pagwo-workout at pagpapalit ng lifestyle. Pero masaya raw sila ni Jelai sa naging resulta ng kaniyang paghihirap.

“Anything is possible when you put your heart and mind to it,” payo niya. — Jamil Santos/FRJ, GMA News