Target ng award-winning actress na si Jaclyn Jose na makuha ang role sa isang malaking international movie project ng Disney.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Jaclyn na nag-usap sila ng kaniyang manager para mag-audition siya sa role ng isang Pinay lola sa “Spider-Man 3.”

“Sabi ko ‘submit a resume, give it a try.’ Two sequences won’t harm me if ever,” ayon sa batikang aktres.

Matatandaan na kamakailan ay nag-anunsiyo ng casting call ang Disney para sa naturang role, at nagkaroon din ng interes ang isa pang batikang aktres na si Gina Pareño.

Sa kasalukuyan, busy sa iba't ibang acting project si Jaclyn tulad ng mga pelikulang “Kontrabida” at “Anak ng Macho Dancer.”

Samantala, tuwang-tuwa naman ang aktres sa kaniyang bagong apo na si Koa, na inilarawan niyang “gwapo and mestizo.”

Natutuwa rin si Jaclyn na masaya ang anak niyang si Andi Eigenmann sa piling ni Philmar Alipayo.

“They’re just living their lives to the fullest,” anang aktres.-- FRJ, GMA News