Ipinagluluksa ni AiAi Delas Alas ang pagkawala ng taong nakadiskubre sa kaniya sa showbiz matapos na magpositibo at masawi dahil sa COVID-19.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ang tinutukoy na naka-discover kay AiAi ay si Jun de Dios, o mas kilala bilang si "Daddy Wowie."

"Siya 'yung unang nagtiwala sa akin. Siya 'yung unang nakakita na nakakatawa pala ako. Tsaka siya 'yung nagpilit na maniwala ako na magpagpasalamat sa itaas," umiiyak na sabi ni AiAi.

Samantala, pagaling na si Angelica Jones matapos siyang magpositibo rin sa COVID-19, kasama ang kaniyang anak at ina.

Isang linggo nang nananatilin sa ospital sina Angelica, anak niyang si Angelo at inang si Beth.

"I had pneumonia and asthma and si Angelo po is na-dengue siya atsaka na-COVID, ginagamot po kami. 'Yung mama ko po ay nasa ICU. Humihingi po ako ng prayers for my mom, bumababa ang oxygen niya po," sabi ni Angelica.

Mas mabuti na ang pakiramdam ni Angelica sa kabila ng nakararanas pa rin siya ng pneumonia at asthma.

"Nag-i-improve naman po 'yung pneumonia ko ngayon, ginagamot po nila 'yung blood ko para mawala 'yung asthma ko. Alagang alaga naman po kami at lumalaban po kami," sabi ni Angelica.

Nagpositibo rin sa COVID-19 ang aktor na si Ahron Villena noong huling linggo ng Marso, at naka-quarantine sa kaniyang condominium.

"Sumakit 'yung ulo ko tapos 'yung ilong ko barado and then totoo 'yung bilang nila na four to eight days mawawalan ka ng pang-amoy at panglasa," sabi ni Ahron.

"Na-experience ko lahat 'yung pang-amoy, panlasa, nawalan po talaga ako. But hindi naman ako totally nilagnat. Pero mainit lang 'yung katawan ko. 'Yung katawan ko sobrang sakit," dagdag niya.

Sa ngayon, maayos na ang lagay ni Ahron at wala nang sakit sa likod, hirap sa paghinga at lagnat, at bumalik na ang kaniyang panlasa at pang-amoy.

Lalabas na si Ahron nitong Biyernes para magpa-RT-PCR test.--Jamil Santos/FRJ, GMA News