Tinatawag ngayon si Derrick Monasterio na "His Royal Hotness" matapos siyang magpasiklab sa kaniyang daring underwear photos para sa isang clothing line.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing natatawa pero natutuwa naman si Derrick sa ibinigay sa kaniyang titulo.

"Sobrang happy ako rito kasi na-appreciate nila 'yung hard work, iyon 'yun eh, the hard work," sabi niya.

Sinabi ni Derrick na katunayan, hindi niya alam na underwear ang kaniyang isusuot nang sumalang siya sa pictorial.

Isa rin sa mga tinanong ni Derrick tungkol sa paggawa ng underwear pictorial ang kaibigan at kapwa endorser niyang si David Licauco.

"Sobrang supportive ng tao na 'yun, as in idi-DM ako nu'n, kasi kapag magpo-post ako ng something na medyo daring, mine-message ko siya lagi," ayon pa kay Derrick.

Bahagi si Derrick ng GMA reality show na “Catch Me Out PH.”--Jamil Santos/FRJ, GMA News