Aminado si Allan K. na milyon-milyon ang nalugi sa kaniyang comedy bars na Klownz at Zirkoh nang dahil sa COVID-19 pandemic kaya niya ito isinara. Pero may plano pa kaya siyang buksan muli ang mga ito o magtatayo na lang ng ibang negosyo?

Sa Reporter's Notebook, sinabi ng komedyante na hindi naman siya kaagad sumuko at ipinagpatuloy pa noon na mag-operate ang bars kahit walang perang pumapasok.

Pero nang hindi na talaga niya kayang tustusan ang gastusin, napilitan na siyang magdeklara ng pagiging bangkarote at nagpasyang isara na.

Sabi ni Allan, mas malaki umano ang gastos kapag nagsasara ang negosyo kaysa sa nagtatayo dahil kailangan pa rin bayaran ang separation pay at iba pang benepisyo ng mga tauhan kahit wala nang kinikita.

Aniya, masakit ang naging pangyayari sa kaniya dahil sa naturang mga bar umikot ang buhay niya sa loob ng 18 taon at biglang nawala nang isang iglap dahil sa pandemic.

Hindi rin ikinaila na malaki ang naging epekto ng pangyayari sa usaping pinansiyal niya dahil nagkaroon pa siya ng ibang problema tulad ng pagkakasakit at pagkasawi ng dalawa niyang kapatid.

Pero nang tanungin kung bubuhayin pa ba niya ang Klownz at Zirkoh, tugon ni Allan; "Gustong gustong gusto ko."

"Ang tanong, kailan? Days are going now, akala mo o-okay na biglang nagka-second strain pa ng virus, variants come in and Wooh! Grabe siya," sabi ni Allan.

Bukas din naman daw si Allan na magsimula ng bagong negosyo.

"Kasi iba na may negosyo ka eh," saad niya.

Tunghayan sa video ang buong episode tungkol sa kuwento ng pagbangon ng mga naapektuhan ng pandemic ang trabaho.

--FRJ, GMA News