Bukod sa pagpasok sa aviation school para maging isang piloto, inihayag ni Klea Pineda na plano niya ring maging isang beauty queen bago siya mag-30 anyos.

"Isa 'yun sa mga pangarap ko, ang makoronahan. Hindi pa rin siya nawawala sa pangarap ko sa buhay," sabi ni Klea sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras."

Ayon sa ulat, pinaghahandaan na ni Klea ang pagpasok niya sa aviation school.

Matatandaang bago nito, pumasok na si Klea sa isang orientation flight, kung saan naging emosyonal siya nang makapagpalipad ng eroplano.

Nag-renew ng kontrata si Klea sa Kapuso Network, at hindi niya rin napigilang mapaluha sa panibagong blessing sa kaniyang buhay.

"Hindi ko talaga inaasahan na mabibigyan ako ng chance na maging artista dahil pangarap ko lang siya noong bata ako. And ngayon nagkakatotoo na siya, ginagawa ko na siya, kaya kada show na binibigay sa akin talagang ginagawa ko 'yung best ko para magawa ko nang tama," sabi ng emosyonal na si Klea.

Muling bibida si Klea sa upcoming Kapuso drama series na Stories from the Heart: "Never Say Goodbye" kung saan makakasama niya sina Jak Roberto, Lauren Young at Snooky Serna. —Jamil Santos/LBG, GMA News