Inihayag ni Rocco Nacino na dati siyang naging babaero, pero itinuwid at binago na niya ito.

"Worst wrong move na nagawa ko, na tahakin ang pagiging babaero," pag-amin ni Rocco sa Mars Pa More.

Inilahad ng Kapuso actor kung bakit niya ito nagawa noon.

"Kasi, may kuwento ako diyan. Kauna-unahang relationship ko, niloko ako. So naging coping mechanism ko na dapat manloko ako... Yes, ako 'yung mananakit. 'Kailangan palitan kita,'" saad ni Rocco.

Pero dumating ang panahon na napagtanto ni Rocco ang kaniyang pagkakamali, sa tulong na rin ng mga mahal niya sa buhay.

"Tapos after so many years doon ko na-realize, mali pala 'yung ginagawa ko," ani Rocco.

"So noong napagalitan ako, inupo ako ng mga taong nagmamahal sa akin sa buhay ko. 'Ay mali pala,'" kuwento pa ni Rocco.

Ikinasal si Rocco sa volleyball player na si Melissa Gohing Enero nitong taon, dalawang buwan matapos ang kanilang engagement nitong 2020.

Bago nito, naging magkarelasyon sila ng tatlong taon. —LBG, GMA News