Natutuwa ang mag-asawang Carmina Villaroel at Zoren Legaspi na magkakatrabaho sila sa mini-series  na "Stories From The Heart."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, may titulong "The End of Us" ang episode na kanilang pagbibidahan kung saan magkakaroon sila ng intimate scenes.

Kuwento ng mag-asawang naghiwalay at nasa proseso ng annulment ang gagampanang karakter nina Carmina at Zoren.

Pero may mga mangyayari na magpapabago sa takbo ng kanilang kuwento.

Aminado naman si Carmina na hindi siya sa komportable sa mga intimate scene kahit pa ang asawa niya ang kaniyang kapareha.

"I'm really not into mga kissing scene, intimate scenes because it's not me eh. I'm really not comfortable doing that," anang aktres.

"But with this one...surprise! natatawang sabi ni Carmina.

Ayon naman kay Zoren, matagal nilang hinintay ang naturang proyekto.

Excited din umano ang kambal anak nina Zoren at Carmina na sina Mavy at Cassy sa pagtatambalang proyekto ng kanilang mga magulang.--FRJ, GMA News