Inihayag ni "Hipon Girl" Herlene Budol na hindi pa siya nakatatanggap ng regalo mula sa mga "dirty old man" o DOM, pero kung sakaling may magbigay, tatanggapin niya ito.

"Wala pa. Pero kung sakaling meron, tatanggapin ko," sabi ni Herlene sa The Boobay and Tekla Show.

"Regalo lang naman," depensa ng comedianne, na bukas sa kung ano man ang ibigay sa kaniya, mapa-pera man o mga regalo.

"Depende kung ano ang ibibigay. Kasi may mga fans na nagbibigay ng bag, unan."

Gayunman, hindi na papayag si Herlene kung meron nang "kapalit" mula sa kaniya ang mga natatanggap niyang regalo.

"Siyempre ayaw ko pa rin," sabi niya.

"Ayun ang sabi ng tatay ko. Kasi nagtrabaho ako dati sa golf course, so maraming ganu'n. Sabi ng tatay ko, 'O anak, husayan mong kitain ang [pera], kailangan mong pagsikapan lahat ng bagay," sabi ni Herlene.

Nauna nang sinabi ni Herlene na hindi pa siya nakatatanggap ng mga indecent proposal.

"Sa hitsura kong ito, parang choosy ba naman sila para bigyan ako ng bayad na gano'n kahalaga. Wala ho."

"Wala pa naman pong nagbabalak," pahabol pa ni Herlene. — Jamil Santos/VBL, GMA News