Ikinuwento ng action star na si Ronnie Ricketts kung papaano niya sinorpresa ng bagong bahay ang asawa niyang si Mariz pagkatapos na pagkatapos ng kanilang kasal.
Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Ronnie na sa halip na katulad ng ibang bagong kasal na sa hotel nagtutungo pagkatapos ng ikinakasal, dinala niya si Mariz at pamilya nito sa ipinagawa niyang bahay pagkatapos na pagkatapos ng kanilang kasal.
"Pagod na pagod kami. Sabi ko, Hon, hinihintay tayo nina mommy at dad sa bahay,'" ayon sa aktor na naging pinuno rin noon ng Optical Media Board.
Nasa kaparehong village lang umano ng bahay ng kaniyang mga magulang ang bahay na kaniyang ipinatayo bilang wedding gift sa kaniyang asawa.
"Ang nangyari, itinakas ko siya kasama yung family niya. Sabi namin konting kain [lang], dinala ko dun diresto na sa bahay," patuloy ni Ronnie.
Pero sa labas pa lang ng bahay, nabisto na raw ni Mariz ang kaniyang sorpresang regalo at naiyak na agad ang kaniyang maybahay nang lumabas mula sa bahay ang kaniyang alagang aso.
"Umiyak na [si Mariz]... successful," ayon kay Ronnie.
Inihayag ni Mariz wala talaga siyang kaalam-alam sa ipinagawang bahay ni Ronnie, at sinabing sobrang sweet ang ginawa ng kaniyang mister.
Samantala, kung bahay ang mahal na regalo ni Ronnie kay Mariz, inihayag naman ng singer-actress kung ano iniregalo niya sa mister hindi raw materyoso o hindi mahilig sa mga materyal.
Alamin kung sa video ng "Mars Pa More" ang naturang regalo ni Mariz kay Ronnie. Panoorin. —FRJ, GMA News
