Isang 4-anyos na batang lalaki ang nasawi matapos ma-trap sa nasusunog nilang kuwarto sa Talisay, Cebu. Ang kaniya namang 6-anyos na tiyuhin, sugatan.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV na iniulat sa Balitanghali nitong Martes, sinabi ng Talisay Fire Office na natutulog ang biktima kasama ang kaniyang batang tiyuhin nang sumiklab ang apoy sa nag-overheat umano na clip fan sa loob ng kuwarto.

Kalaunan, napansin ng isang kapitbahay ang sunog.

Nang sumaklolo ang mga kapitbahay, nahirapan silang buksan ang kuwarto dahil naka-lock ito mula sa loob.

Namatay ang biktima matapos magtamo ng matinding lapnos sa halos buong katawan. —Jamil Santos/VBL GMA News