Isa si Ken Chan sa mga in-demand na leading man ng Kapuso Network. Pero sino-sino pa ba ang mga Kapuso actress ang pangarap niyang makatrabaho?

Sa panayam ng GMANetwork.com, aminado si Ken na marami pang Kapuso actresses ang nais niyang maging leading lady.

"Kapuso actress na gusto kong maging leading lady marami, actually. Kung pagpapalain ako, noon pa man lagi kong sinasagot ang gusto kong makatrabaho ay si Jennylyn Mercado," ayon sa aktor.

"Nakatrabaho ko na siya noon pero gusto ko siyang makapareha sa isang teleserye. Isa talaga 'yon sa dreams ko," patuloy ni Ken.

Tinukoy din ni Ken sa listahan niya ng mga aktres na nais niyang makatrabaho sina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, Gabbi Garcia, Julie Anne San Jose, at Heart Evangelista.

Kasalukuyang napapanood si Ken bilang si Richard sa rom-com series na "Mano Po Legacy: Her Big Boss," katambal si Bianca Umali.

Nakatambal na rin ni Ken sa teleserye sina Rita Daniela at Barbie Forteza. --FRJ, GMA News