Itinuturing ni Jeric Gonzales na "lucky charm" niya sa kaniyang pagpupursigi sa sarili ang girlfriend na si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Jeric na hindi siya makapaniwala na tatlo na ang nakuha niyang international acting award para sa pelikulang "Broken Blooms."

Bago nito, matinding hamon ang pinagdaanan ni Jeric para paghusayin ang trabaho dahil na rin sa mga natatanggap na mga kritisismo.

"It's a dream talaga to be in this moment, to be in this situation na masabi na nakakaarte siya (ako). Kasi I've been through a lot of comments and bashing before, because I'm a winner of a reality show and 'yon I have something to prove," saad ni Jeric.

Nagpapasalamat naman si Rabiya na "smooth sailing" ang kaniyang showbiz career matapos magdesisyong magretiro sa pagiging beauty queen.

Ngayon, samu't saring projects na ang nagawa ni Rabiya sa acting at gusto niya ring sumabak sa hosting.

"I'm also happy and minsan nga nagugulat ka lang din for the oppotunities na dumarating. Siguro 'yung takeaway ko is to have great work ethics kasi once maumpisahan na 'yung momentum, nandiyan na 'yun eh," ani Rabiya.

Samantala, inilahad naman ni Kim Domingo na bago niyang interes ngayon ang songwriting.

Tatlong kanta na ang naisulat ni Kim, na maaari niyang i-release nitong 2022. Bukod dito, pangarap din niyang makagawa ng kanta para sa ibang singers.

"Julie Anne San Jose. Nakikita kong bagay sa kaniya kapag sumulat ako ng kanta tapos siya 'yung unang kakanta. Sana mangyari," sabi ni Kim.

Mula sa pagiging isang modelo noong 2015, nagtiwala ang Kapuso Network kay Kim bilang isang artista.

Kabilang sina Jeric, Rabiya, at Kim sa Kapuso artists na nag-renew at pumirma ng kontrata sa GMA Network sa "Signed for Stardom" kamakailan.— Jamil Santos/FRJ, GMA News