Nagpasukat na ng kani-kanilang mga outfit ang Sparkle artists para sa GMA Thanksgiving Gala na may temang old Hollywood glam.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, inilahad ni Jak Roberto na tinulungan siya ng nobyang si Barbie Forteza na maghanap ng estilo na alinsunod sa tema ng gala.

"Actually si Barbs ang naghanap lahat. Ang concern ko na lang, magpapayat. Kailangan kong mag-lose ng weight para maganda 'yung fit," sabi ni Jak.

Mula sa disenyo ni Ehrran Montoya ang isusuot ni Jak na collab nila ng kaniyang stylist na si Regi Cruz.

Napili naman ni Kristoffer Martin ang isang white suit na nagpapaalala ng kaniyang highschool prom.

"Na-excite ako sa mga sayaw-sayaw, sa mga kaibigan kong siyempre nandoon din," ani Martin.

Excited na rin si Nikki Co na makita ang mga kapwa niya Sparkle artists.

"Ito ang first get-together ng mga artista ng GMA. The last time was like two years ago," sabi ni Nikki.

Nagpasukat na rin si Dion Ignacio ng isusuot niyang tuxedo mula sa Suit It Up Manila.

"Dalawang taon din tayong na-stuck sa bahay lang dahil sa pandemic. So excited ako dahil magsasama-sama na ulit ang mga artista," sabi ni Dion.

Fun at glam naman ang peg ni Betong Sumaya, na nagpasukat na rin ng kaniyang outfit.

"May pagka-touch din ng comedy siguro, pero iba 'yung dating na very stylish," sabi ni Betong.

Sineseryoso na rin ni Faye Lorenzo ang paghahanda kaya strikto ang kaniyang diet.

"Siyempre gusto ko pa rin 'yung medyo sexy pero classy. 'Yung medyo meron siyang sparkling, kasi nga Sparkle," sabi ni Faye.

Isa ring fundraising event ang GMA Thanksgiving Gala na gaganapin sa Hulyo 30.—Jamil Santos/FRJ, GMA News