Nakapagtapos na ng Grade 10 o junior high school ang anak ni Candy Pangilinan na si Quentin na may kasama pang mga award.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Candy ang ilan sa mga larawan ni Quentin, na nakabarong sa kaniyang pagmartsa.

"Quentin graduates grade 10!" caption ng actress-comedian.

"Next level na po tayo. The journey continues," dagdag pa ni Candy.

 

 

Para kay Candy, mas marami siyang natunan kay Quentin, kaysa sa mga itinuro niya sa anak.

"Quentin have taught me more than I have taught him. Thank you Quentin. Congratulations!"

Pinasalamatan din ni Candy ang mga guro, doktor at mga caregiver na matiyagang gumabay at umalalay kay Quentin mula pa noong Grade 1 ito.

Higit sa lahat, pinasalamatan din ni Candy ang Panginoon: “To God, our Father, all glory to You! Everything by Your grace and mercy.”

Nagsimula namang mag-training bilang isang altar server si Quentin noong nakaraang taon.

Matatandaang may autism at attention deficit hyperactivity disorder o ADHD si Quentin.

Sa halip na panghinaan, pinili ng aktres na maging matatag at tanggapin ang kaniyang responsibilidad bilang ina ni Quentin.--FRJ, GMA News