Kung nakaraang taon ay mayroon sila magkahiwalay na birthday party para sa anak na si Baby Skye, ngayon taon, magkasama nang ipinagdiwang nina Max Collins at Pancho Magno ang ikalawang kaarawan ng kanilang anak.

Nagbahagi sina Max at Pancho sa Instagram ang  outer space-themed party na ginawa para kay Skye.  Sa post, makikitang suot ni Skye ang isang astronaut costume at tuwang-tuwa sa party slide at ball pit.

Nag-setup din sina Max at Pancho ng outdoor playground at inihanda ang paboritong pagkain ng kanilang anak.

 

 

"Happy 2nd birthday to our Skye! We love you so much [heart emoji] and it’s your 2nd birthday so dapat dalawang song and dalawang wish," caption ni Pancho.

 

 

Bago nito, nagsagawa na rin si Max ng isa pang party para kay Skye sa Hotel Okura sa Pasay City, kung saan imbitado ang mga tita ni Skye na sina Michelle Dee, Rhian Ramos, and Janina Manipol.

Ikinatuwa naman ng netizens na magkasama sina Max at Pancho, sa gitna ng mga usap-usaping noong nakaraang taon na nagkahiwalay na umano sila matapos magsagawa ng magkahiwalay na birthday party para sa ikaunang kaarawan ni Skye.

Ipinaliwanag ni Max na nagsagawa ng surprise party ang kaniyang mga kaibigan para kay Skye, na hindi nadaluhan ni Pancho.

Nagsagawa rin ng kaniyang party si Pancho para sa anak, na hindi naman nadaluhan ni Max dahil meron itong trabaho.--FRJ, GMA News