Nakakuha ng bagong milestone ang SB19 matapos silang pumasok sa listahan ng Teen Vogue para sa 33 Favorite Boy Bands of All Time.

Bukod sa Pinoy pop boy group, kasama rin sa listahan ang The Beatles, BTS, EXO, Big Bang, The Jackson 5, NSYNC at Backstreet Boys.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing ang SB19 lamang ang Pinoy group na pasok sa listahan.

Panglima ang SB19 sa 2021 most searched items sa buong mundo sa songs category dahil sa kanta nilang "MAPA."

Kasama rin ang MAPA sa top 10 global trending song searches noong nakaraang taon.

Gumawa rin ng record ang grupo matapos na pitong linggo nang nasa number one spot ang hit nilang "Bazinga" sa Hot Trending Songs chart ng Billboard.

Nakatakdang mag-perform ang SB19 sa Grand Coronation Night ng Binibining Pilipinas sa Hulyo 31. —Jamil Santos/VBL, GMA News