Hindi napigilan ni Ruru Madrid na matawa matapos siyang salubungin ni Crocodile Man sa airport sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas.

Sa Chika Minute report sa 24 Oras, makikita na may pa-tarpaulin pa si Crocodile Man at may regalo pang kwintas para sa "Lolong" star, na kagagaling lamang mula sa South Korea.

Matapos nito, nagselfie sila ni Ruru, na gumaganap bilang si Lolong sa naturang Kapuso action-adventure series.

Lumipad si Ruru sa South Korea para sa taping ng Running Man Philippines, kung saan isa rin siya sa cast.

Samantala, nag-ikot pa si Croc Man sa isang palengke sa Quezon City at nagpakitang gilas ng dance moves.

Aliw namang naki-selfie ang mga mamimili at tindera kay Croc Man, na nagdala pa ng ilang panindang isda sa palengke.

May ilan naman ang maswerteng nakakuha ng libreng isang buong manok mula kay Croc Man, na nakasagot ng mga Lolong trivia at questions. – Jamil Santos/RC, GMA News